Agriculture, Natural Disaster and Mitigation, Research
Haze sa Palawan hindi pa kumpirmado, PDRRMO nakikipag-ugnayan sa PhilSA
Hindi pa kumpirmado kung haze ang makapal na tila abo na bumabalot sa himpapawid at nagdulot ng mababang visibility sa Puerto Princesa City at ilang bahagi ng Palawan ngayong Lunes, Agosto 31.
Ayon kay Alysa Abonales, Acting Risk Communication Division Chief ng Palawan Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nagsimula silang mag-monitor sa mga munisipyo dakong alas-10 ng umaga upang matukoy ang lawak at posibleng pinagmulan ng kondisyon.
Patuloy din umano ang koordinasyon ng PDRRMO sa Philippine Space Agency (PhilSA) habang nangangalap ng mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan.
“At the moment po we’re still gathering reports in coordination with the Philippine Space Agency kasi hindi pa po siya confirmed, so wala pa kaming nilalabas na warning kasi naghihintay po kami kung confirm po yung observation all over Palawan,” ani Abonales.
Sinabi ni Abonales na nakikipag-ugnayan din ang kanilang tanggapan sa mga munisipyo upang makakuha ng impormasyon hinggil sa kondisyon ng himpapawid sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
“Nag-start po kami mag-monitor kaninang mga 10 a.m.,” dagdag niya.
Dahil hindi pa kumpirmado ang pinagmulan ng haze-like condition, wala pa umanong inilalabas na opisyal na warning ang PDRRMO.
Ang posibilidad na may kaugnayan ito sa haze mula Indonesia ay kasunod ng mga naitalang forest at land fires sa Kalimantan at Sumatra nitong Agosto. Naglabas din ang ASEAN Specialized Meteorological Centre ng mataas na haze alert sa rehiyon.
Gayunman, hindi pa tinukoy ng PDRRMO kung ang nararanasang kondisyon sa Palawan ay direktang dulot ng mga sunog sa Indonesia.
Ayon sa tanggapan, maglalabas lamang ito ng advisory kapag nakatanggap na ng kumpirmasyon mula sa PhilSA at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Samantala, patuloy na mino-monitor ng PDRRMO ang sitwasyon sa mga munisipyo habang hinihintay ang resulta ng validation mula sa mga concerned agency.
Help this knowledge grow
Have additional information, a correction, or a supporting resource for this article?
Try the form and preview your contribution. Nothing is submitted or saved. Closing the form or leaving this page clears your draft.
