health-and-medicine
Kabataang Ilocano, nag-imbento ng solusyon sa sakuna, basura

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) — Ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa Rehiyon Uno ang kanilang talino sa pagbuo ng mga robot na nagpapatunay sa kakayahan ng kabataang Pilipino sa agham at teknolohiya.
Ginanap ang kompetisyon noong Pebrero 17 hanggang 18 sa CSI Atrium, Dagupan City, bilang bahagi ng 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) ng Department of Science and Technology (DOST)-Ilocos Region.
Layunin ng paligsahan na linangin ang praktikal na kasanayan ng mga kabataan sa robotics. Hinati ang kompetisyon sa dalawang kategorya: Search and Rescue at Bin Collection, na parehong nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng lipunan.
Ayon kay engineer Jordan Abad, provincial director ng DOST-Ilocos Sur at focal person ng Robotech Cup 2026, layunin nilang gamitin ang mga teknolohiyang ito sa mga lokal na pamahalaan.
“With the implementation of smart and sustainable community programs, tumitingin kami ng technologies or innovations na puwede na nating i-deploy agad sa ating mga local government units,” ani Abad.
Sa kategoryang Search and Rescue na nilahukan ng 10 koponan, nagwagi ang Talos Titans mula sa Narvacan National Central High School sa Ilocos Sur dahil sa kanilang robot na maaaring tumulong sa pagresponde sa oras ng sakuna.
“As students, we are catalysts of innovations and inventions, and also catalysts of inspirations. We want to join this competition to recognize our ideas regarding different problems within the society,” ani Ryan Joel Antolin, miyembro ng Talos Titans.
Sumunod sa kanila sa ikalawang pwesto ang PCLU Elite Team mula sa Polytechnic College of La Union sa La Union habang ikatlo naman ang Eguls Team B mula sa Labayug National High School sa Pangasinan.
Sa kategoryang Bin Collection na nilahukan ng 15 koponan, nasungkit ng Tayugenians Robo Bin Team 2 mula sa Tayug National High School sa Pangasinan ang unang puwesto gamit ang kanilang robot na nangongolekta ng basura.
Sumunod sa kanila sa ikalawang puwesto ang PCLU Elite Team habang walang ikatlong puwesto na naitala sa kategoryang ito.
Tumanggap ang mga nanalo ng cash prizes na P20,000 para sa kampeon, P15,000 para sa ikalawa, at P10,000 para sa ikatlo, kasama ang mga plake at sertipiko.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito ng DOST, inaasahang mas marami pang mag-aaral ang lilikha ng mga teknolohiyang magbibigay ng solusyon sa mga hamon ng lipunan. (CCMT/JCDR, PIA Pangasinan)
